PIA Press Release Monday, January 02, 2012 Tagalog News: Pampublikong konsultasyon sa hinggil sa bagong pasahod, itinakda ng RTWPB 12KORONADAL CITY, Enero 2 (PIA) -- Itinakda ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng Rehiyon Dose ang public consultation hinggil sa posibilidad ng pagtakda ng bagong pasahod sa pribadong sektor sa buong Soccsksargen Region. Ayon kay Department of Labor and Employment-12 Regional Director Ma. Gloria Tango, magsasagawa ng public consultation ang RTWBP 12 sa mga lungsod ng Heneral Santos at Kidapawan. Pansamantala itong itinakda sa Enero 25 at 26. Imbitado sa pagpupulong ang mga kinatawan ng sektor ng mga manggagawa at management at iba pang sekor na may taya sa naturang usapin. Ani Tango, may hawak na silang economic data mula sa National Economic Development Authority, Department of Trade and Industry, Bureau of Agricultural Statistics ng Department of Agriculture, at Department of Energy. Subalit, kailangan pa umanong makuha ang pananaw ng iba't ibang stakeholder hinggil sa panibagong pagtataas ng sahod ng mga manggagawa. Ang pinakahuling mga datos mula sa mga ahensiya ng gobyerno at resulta ng gagawing public consultation ang gagamiting batayan ng RTWPB sa pagdesisyon kung kailangan na ang wage adjustment. Huling itinakda ang pasahod sa Soccsksargen Region noong Oktubre 2010. Sa ngayon, ayon kay Jessie dela Cruz, secretary ng RTWPB 12, wala pa silang natatanggap na petisyon na humihiling ng pagrepaso ng Wage Order XII No. 16. (DEDoguiles/PIA 12) |