PIA Press Release Monday, January 02, 2012 Tagalog News: Maritime academy naghahanap ng skolarsNi Vicky S. Mendoza PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Enero 2 (PIA) -- Ang Norwegian Training Center ay kasalukuyang naghahanap ng mga Pilipinong iskolar sa pamamagitan ng online application para sa scholarship program ng marine transportation at marine engineering. Sa pamamagitan ng scholarship program, mabibigyan ng oportunidad ang mga mahihirap ngunit nararapat na kabataang Filipino, para sa kalidad na maritime education at maging mga competitive na seafarer sa larangan ng international maritime market. Ang Norwegian Shipowners Association ang nagtaguyod ng scholarship program. Maaaring mag-aplay ang mga Pilipino na nakuha ang pagkamamamayan mula sa kapanganakan, may edad na 16 hanggang 22 taong gulang, maayos ang kalusugang pisikal at mental, walang asawa, walang masamang record, hindi nasangkot sa anumang krimen o moral turpitude, at naipasa ang oral at written exam na ibibigay ng institusyon. Kabilang ang free board at lodging sa scholarship. Ang mga matatanggap ay sasailalim sa programang 2-1-1 o programang dalawang taon sa akademya-1 taon seatime-1 taon balik akademya para sa degree na Bachelor of Science in Marine Transportation at Marine Engineering. Siguradong may trabaho agad ang sinumang makatatapos ng naturang scholarship sa ilalim ng Norwegian Shipowners Association o anumang miyembro nito. Sa buwang ito, inaasahan ang pagdating sa lungsod ng Project and Development Department ng Norwegian Training Center upang magsagawa ng oral at written na eksaminasyon ng mga aplikante. Maaaring mag-apply online ang lahat ng interesado sa scholarship program sawww.ntcm.com.ph. (LBR/VSM/PIA-Palawan) |