PIA Press Release Tuesday, January 03, 2012 Tagalog news: Implementasyon ng NGP sa Batangas, - PENROby Bhaby Mamerta Perea-De CastroBATANGAS CITY, Enero 3 (PIA) ---Matagumpay na naipatupad sa buong lalawigan ng Batangas ang National Greening Program (NGP) na unang isinulong ng pamahalaang nasyonal, ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Jose Elmer Bascos. “Nakamit o natupad ang target na 1,520 ektaryang lupain sa buong lalawigan na mataniman ng mga puno at ipagpapatuloy ang ‘greening’ at pagsasa-ayos ng kapaligiran," sabi ni Bascos. Dagdag pa rito, nakipagkasundo ang kanilang tanggapan sa iba't-ibang lokal na pamahalaan, mga paaralan, barangay at pribadong sektor upang maging ‘counterpart’ nila sa pagpapalaganap ng programang ito. Ang mga katuwang nila ang katulong sa pagmimintina ng mga itinanim na puno upang matiyak na patuloy ang paglaki at pagyabong ng mga ito. Naglaan din ng pondo para sa maintenance ng mga itinanim ng mga puno. Kakailangang maibalik ang pagiging luntian ng mga kabundukan sa lalawigan lalo na sa bahagi ng Lobo, Nasugbu at Cuenca, ayon pa kay Bascos. Aniya, isa ang ‘climate change’ sa mga seryosong problemang kinakaharap ng kanilang tanggapan kung kaya't matindi ang pagtutok nila sa pagsasaayos ng kapaligiran upang kung hindi man maiwasan ay mabawasan ang epekto nito. Binanggit din ni Bascos na ang pagkakaroon ng ‘mining explorations’ sa lalawigan na hindi makakasagabal sa pagsasaayos ng kapaligiran sapagkat maliliit na butas lamang ang ginagawa upag kumuha ng ‘samples’ kung may ‘mineral deposit’ sa isang lugar. Hindi rin ito nakakasagabal sa mga programang pangkapaligiran sapagkat ‘bonded’ ang mga gumagawa nito at may nakatalagang pondo na siyang gagamitin sakaling kinakailangan ng rehabilitasyon sa naturang lugar. Samantala, nanawagan si Bascos sa mamamayan na makipagtulungan sa kanilang mga programa sapagkat walang ibang makikinabang kundi ang mga ito. Aniya pa, nagpapasalamat siya sa media sa pagtulong sa kanilang tanggapan upang ipakalat ang mga impormasyon at kaalaman sa publiko. (MPDC, PIA-Batangas) |