PIA Press Release Tuesday, January 03, 2012 Tagalog News: RDC 3 inaprubahan na ang konstruksyon ng Balog-Balog dam sa Tarlacni Carlo Lorenzo J. DatuLUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Enero 4 (PIA) -- Inaprubahan kamakailan ng Regional Development Council (RDC) ng Gitnang Luzon ang konstruksyon ng P16.09 bilyong Balog-Balog Multipurpose (BBM) dam sa bayan ng San Jose sa Tarlac. Sinabi ng RDC 3 na ang rock-fill dam, na bahagi ng second phase ng BBM project na ipinatutupad ng National Irrigation Administration (NIA), ay may sukat na 113.5 metro mula sa riverbed hanggang sa crest at may water storage capacity na 625 milyong metro kubiko. Ang pasilidad ay inaasahang makapagbibigay ng serbisyong patubig sa kabuuang 34,410 ektaryang bukirin sa buong lalawigan. Maliban dito, nakatakda ring gamitin ang ilang bahagi nito para sa produksyon ng tilapia. Oras na maitayo at maging fully operational sa taong 2016, inilahad ng RDC 3 na ang BBM dam ay inaasahang makakalikha ng hindi bababa sa 116.7 libong metro toneladang bigas kada taon na may kabuuang halaga na $34.72 milyon at 93.55 libong metro toneladang tilapia kada taon na may kabuuang halaga na P506 milyon. Bukod sa patubig at palaisdaan, gagamitin din ang dam bilang hydro-electric power plant na may kabuuang kapasidad na 43.5 megawatts na kayang suplayan ang power requirements ng lungsod ng Tarlac o apat na bayan na may kabuuang populasyon na 250,000. Ang RDC 3 ang pinakamataas na policy-making body sa Gitnang Luzon na nagsisilbing counterpart ng NEDA Board sa subnational level. Kabilang sa mga miyembro nito ang lahat ng gubernador, city mayors, municipal mayors ng mga kabiserang bayan, pangulo ng mga municipal mayors league, regional directors ng mga national government agencies, at mga kinatawan ng pribadong sektor. (WLB/CLJD-PIA 3) |