PIA Press Release Sunday, January 08, 2012 Tagalog News: K+12 program,ipinaliwanag ng DepEdni Bhaby Mamerta Perea De castroBATANGAS CITY, Enero 8 (PIA) -- Dahil sa maraming katanungan kaugnay ng bagong programang K+12 ng Department of Education (DepEd), nagpaliwanag ang naturang tanggapan ukol dito. Sinabi ni Generiego Javier mula sa DepEd Batangas city division na ang K+12 ay isang programa upang mas mapabuti ang basic education ng mga mag-aaral. Ang naturang programa kung saan pasisimulaan ang universal kindergarten program ay nagsimula noong nakaraang taon at ang bagong curriculum mula Grade 1 hanggang Grade 7 (high school year 1) ay pasisimulan sa taong ito. Ang Grade 11 naman (high school year 5) ay pasisimulan sa 2016 at Grade 12 (high school year 6) ay sa taong 2017. Nakatakdang magtapos ang unang grupo ng mga mag-aaral na sasailalim sa K+12 program sa taong 2018. Ipinaliwanag ni Javier na ang dalawang taong madadagdag sa pag-aaral ay kapag natapos na ang apat na taong high school program kung saan tatawagin itong senior high school. Sinabi pa nito na isa sa magandang layunin ng programa ang matukoy ang dahilan ng mataas na bilang ng dropouts na ang karaniwan ay ang kawalan ng kaalaman sa dami ng pinag-aaralan at kawalan ng interes. Idinisenyo ang K+12 na naaayon sa interes ng mga mag-aaral kung saan may mga elective subjects na maaari nilang piliin, maaari ring magsagawa ng home schooling program sa mga mag-aaral sa elementarya at magbukas ng dropout reduction program sa mga nasa sekondarya. Kaugnay naman ng empleyo,nakipagkasundo na ang DepEd sa mga business organizations, lokal at dayuhang chamber of commerce and industries upang ikonsidera ang mga graduates ng K+12 sa posibleng trabaho. Magkakaroon ng matching ng kinakailangang trabaho at natapos upang masiguro na mabibigyan ang mga mag-aaral ng nararapat na trabaho base sa kanilang kakayahan. Sinabi din ni Javier na maging ang mga pribadong paaralan ay magpapatupad din ng K+12 program ngunit sa naiibang paraan at sa kasalukuyan ay pinag-uusapan na kasama ang mga may-ari ng pribadong paaralan. Isasagawa din sa naturang programa ang mastery ng asignatura ukol sa Math, Science at English gayundin ang pagkakaroon ng specialization sa mga mag-aaral base sa kanilang interes kung saan magiging sentro ang academics, middle-level development, sports at arts. Upang tukuyin naman ang kaalaman ng mga mag-aaral, sasailalim sila sa aptitude test, career assessment exam at occupational interest inventory. Binigyang-diin din na ang batas kaugnay ng Kindergarten ay nananatiling nakapending sa Kongreso kaya't hindi pa ito pre-requisite upang mag-aral ng Grade 1. (MPDC, PIA-Batangas) |