PIA Press Release Monday, January 09, 2012 Tagalog News: Pabahay ng DSWD, uunahin ang mga lubhang nangangailanganni Lucia F. Brono QUEZON CITY, Enero 9 (PIA) -- Kaugnay ng pananalasa ng bagyong Sendong, bibigyang prayoridad ng core shelter assistance program (CSAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pamilyang lubhang nangangailangan. Ipinahayag ni Social Welfare and Development Secretary Corazon Juliano-Soliman na uunahing pagkalooban ng CSAP ang mga pamilyang may mga maliliit na bata, may buntis, at mga nagpapasuso, tumatayong magulang ng mga naulilang mga bata sa mga mapanganib na evacuation center, mga pamilyang nakatira sa mga sirang bahay kung saan ang kanilang haligi ng pamilya ay namatay o naimbalido dahil sa kalamidad at mga pamilyang may miembro na may malulubhang sakit o may kapansanan. Sinabi niyang kamakailan ay nakipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaang naapektuhan ni Sendong at kanilang tinukoy ang siyam na relocation site sa Cagayan de Oro at apat sa Iligan City para sa mga biktima ni Sendong. Pitong lugar sa Cagayan de Oro ay magsisilbing pansamantalang relokasyon: ang Calanaan, Lumbia, Agusan Elementary School, Mandumol basketball court, Buena Oro covered court, Fatima Parish Hall, at Mt. Carmel Church sa Cagayan de Oro City. Ang Calanaan na may lawak na 9.5 na ektarya at ang Lumbia na 5 ektarya ay magiging permanenteng relokasyon Tatlong lugar sa Iligan City ang natukoy na permanenteng relokasyon, ito ay ang: National Steel Corporation na walong ektarya, Sta. Felomina (3 ektarya), at Sta. Elena (14.4 na ektarya). Ang Integrated Bus Terminal naman sa Barangay Tambo ay magsisilbing pansamantalang relokasyon. Aniya pa, bunkhouses naman ang itatayo sa Lumbia, Cagayan de Oro para sa 350 na pamilya. Ang 120 nito ay itatayo ng DSWD at ang International Organization Mission (IOM) ang magtatayo ng bunkhouses para sa mga 230 pamilya.. Samantala, mga 80 tent ang itinatayo sa Barangay Tambo, Iligan City, at 70 pang tent ang nakalinya ring itayo sa lalong madaling panahon. Ang mga social worker ng mga apektadong lokal na pamahalaan ang nagsasagawa ng balidasyon ng mga benipisyaryo para sa core shelter program ng DSWD. Ang CSAP ay ang pagbibigay ng bahay na gawa sa mga lokal na materyales, matibay ang pagkagawa sa isang ligtas na relokasyon /resettlement na lugar at kaya ang hanging may lakas na 220 kilometro kada oras at lindol na may lakas na intensity at iba pang katulad na panganib. Samantala, pinulong na ni Iligan City Mayor Lawrence Cruz ang mga evacuees tungkol sa mga lugar na gagawing relokasyon pati na rin ang build-on-site na skema kung saan pinapayagan ang pamilyang bumalik at magtayo ng bahay sa dati nilang lugar kung hindi ito natukoy na danger zone. Ang bilang ng mga nasirang bahay sa Cagayan de Oro ay 18,436 (5,801 ang totally damaged at 12,635 ang partially damaged). Sa Iligan City naman ay mga 20,105 ang naitalang nasirang kabahayan (5,237 totally damaged at 14,868 naman ang partially damaged).(LFB/RJB/PIA NCR/DSWD) |