PIA Press Release Tuesday, January 10, 2012 Tagalog News: Pagtaas ng buwis idinepensa ng pamahalaang lungsodCALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Enero 10 (PIA) -- Pinawi ng pamahalaang lungsod ang pangamba ng publiko sa pagtaas ng buwis partikular na sa mga negosyo at real property.Siniguro ni Mayor Doy C. Leachon ang patuloy na pagbibigay ng de-kalidad at mahusay na serbisyo nito sa mga Calapeño. Sinimulan nang ipatupad kamakailan ang General Revision of Assessment (GRA) of Real Properties na naging dahilan ng bahagyang pagtaas ng buwis na babayaran ng mga may-ari ng mga di-natitinag na ari-arian. Ang naturang GRA ay dumaan sa legal na proseso at serye ng public hearings na dinaluhan ng mga negosyante at mga mamamayan ng lungsod, giit ng alkalde. Sa katunayan aniya, sa nakalipas na 14 na taon, ngayon lamang ulit magpapatupad ng pagtaas ng Real Property Tax (RPT) ang pamahalaang lungsod, taliwas sa nakasaad sa Local Government Code of 1991 na dapat ay isagawa kada-tatlong taon ang revision ng real properties. Ang pagtataas ay ginawang staggered o utay-utay sa loob ng tatlong taon nang sa gayon ay di-mabigla ang mga mamamayan sa kanilang mga bayarin, ayon sa kanya. Ang RPT increase ngayong taon ay aabot sa 75 porsiento samantalang sa susunod na taon ay 100 porsiento na. Upang maiwasan ang pangamba ng mga negosyante at mga mamamayan ng Calapan na maaapektuhan ng pagtaas ng tax rate, pinulong kamakailan ni Leachon sina City Assesor Benito K. Chavez, Assistant City Assessor Jelson Masongsong at City Treasurer Gondelina Lumanglas upang pagkasunduan na bawasan pa ang porsyento ng pagtaas sa nakasaad sa proposed ordinance. Ang pagtaas ng RPT ay mas mababa pa rin kumpara sa prevailing market value o halaga ng bentahan ng mga real property sa lungsod ngayon, sabi pa rin ni Leoahon. (LBR/CGC-CIO/ Louie T. Cueto) |