PIA Press Release Friday, January 13, 2012 Tagalog news: 'Emergency bay' sa national highway ng Puerto Princesa hiniling sa DPWHPUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Enero 13 (PIA) --Hiniling ng sangguniang panglungsod sa 3rd engineering district na isama bilang isa sa mga proyekto nito ang paglalagay ng emergency bay sa mga pambansang lansangan na nasa loob ng lungsod partikular na ang patungong hilaga at timog.Sa Resolusyon 197-2012 na inaprubahan sa isinagawang 79th regular session ng konseho kamakailan, iginiit ng konseho ang kaligtasan ng mga motorista at mga pasaherong nagbibiyahe sa mga national highway. Ayon sa mga may akda ng resolusyon na pinangunahan ni Konsehal Modesto Rodriguez II, malaki ang maitutulong ng emergency bay kung sakaling may sakunang maganap sa kahabaan ng mga pambansang lansangan. Isa sa mga aspetong ikinonsidera ng konseho ay ang layo ng pagitan ng susunod na mga bayan mula sa lungsod na katatagpuan ng mga ospital. Ang pinakamalapit na bayan mula sa lungsod patungong norte na Roxas ay may layong135 kilometro, samantalang ang Aborlan na patungong timog ay may layong 68 kilometro. (DOS/OCJabagat/PIA4B-Palawan) |