PIA Press Release Friday, January 13, 2012 Tagalog news: Paliparan ng Taytay sa Palawan nakatakdang isaayosPUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Ene. 13 (PIA) --- Nakatakdang isaayos at pagandahin ang paliparan sa bayan ng Taytay upang maging angkop na maging pangkomersyal na paliparan. Nilagdaan ang isang Memorandum of Understanding (MOU) kamakailan sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gob. Abraham Kahlil B. Mitra at pamunuan ng Taytay Airport Development Corporation (TADC) para sa gagawing feasibility study. Ang feasibility study ay isasagawa sa loob ng 12 buwan. Partikular na tututukan dito ang airport development plan kasama na ang financial at technical aspects nito na ayon sa standard ng commercial airport. Lahat ng gastusin sa pagsasagawa ng naturang feasibility study ay sagot ng TADC. Tanging malawakang koordinasyon lamang ang bahagi ng pamahalaang panlalawigan upang mapabilis ang isasagawang pag-aaral na pupundohan ng P15 milyon. Ang bayan ng Taytay ay nasa hilaga ng lalawigan kung saan malapit ito sa mga tourism destination na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista tulad na lamang ng mga magagandang isla sa bayan ng El Nido at ang Port Barton sa bayan ng San Vicente, gayundin ang mga magagandang isla. (DOS/OCJabagat/PIA4B-Palawan) |