PIA Press Release Friday, January 13, 2012 Tagalog News: 900,000 bakawan naipamahagi sa samahan ng mga mangingisda-OPAgni Reyjun O. Villamonte Jr. DAET, Camarines Norte, Enero 13 (PIA) -– Umabot sa 900,000 bakawan ang naipamahagi ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Fisheries Development Divison (FDD) sa samahan ng mga mangingisda sa mga coastal municipalites sa lalawigan ng Camarines Norte. Ayon kay senior agriculturist Danilo Guevarra ng OPAG-FDD, ang pamamahagi ay nagsimula pa noong taong 1995 hanggang 2011 sa pamamagitan ng Mangrove Rehabilitation and Conservation Project na sa ngayon ay malaking tulong sa mga benepisyaryo. Ang 900,000 bakawan ay naitanim sa 180 ektarya sa coastal municipalities na kung saan 60-70 porsiyento dito ay nabubuhay na at napapakinabangan samantalang ang iba naman ay namamatay o nasisira sanhi ng bagyo, ayon pa rin kay Guevarra. Idinagdag pa niya ang kahalagahan ng bakawan, na ito ay lugar kung saan lumalaki ang mga isda, hipon, at alimango at tumutulong sa produksiyon pampangisdaan sa mga katubigang baybayin at pinuprotektahan ang mga lugar at pamayanan mula sa bugso ng bagyo, malakas na agos ng tubig, at hangin ganundin pinagkukunan din ito ng kahoy, troso, at pawid na materyales sa paggawa ng bahay. Ipinahayag naman ni supervising agriculturist Edgar Estanislao ng nasabing tanggapan na may nakalaang pondo ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na P3.3 milyon para sa lalawigan ngayong taon para sa proyekto ng bakawan ang Pro-Poor and Community-Based Fisheries and Aquaculture Program. Layunin ng programa na mabigyan ng karagdagang kita at hanapbuhay ang mga mahihirap na mangingisda at magkaroon ng sariling pagkukunan ng pagkain. (MAL/RBM/ROVJ-PIA Camarines Norte). |