PIA Press Release Saturday, January 14, 2012 Tagalog News: P344K pangkabuhayan, ipinagkaloob ng DSWD sa 2 SEA-K associationsni Carlo P. GonzagaLUCBAN, Quezon, Enero 14 (PIA) -- Ipinagkaloob kamakailan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region-4A ang dalawang tseke na nagkakahalaga ng P344,000 para sa iba’t ibang proyektong pangkabuhayan ng dalawang self-employment assistance-kaunlaran (SEA-K) sa bayang ito. Ang kalipi kaagapay sa kagandahan ng kabuhayan (4K) na may 20 miyembro ng Barangay 6 ay tumanggap ng P185,000 halaga ng tulong pangkabuhayan habang ang matatag, maunlad at masayang mamamayan (4M) na may 20 miyembro ng Barangay Nagsinamo ay tumanggap ng P159,000 halaga ng tulong pangkabuhayan. Sinabi ni Chedita Talavera Lerum ng DSWD 4A Lucena City extension office na ang tulong pang-kabuhayan na ipinagkaloob ay gagamitin ng mga miyembro ng dalawang asosasyon sa mga proyektong pang-kabuhayan tulad ng sari-sari store, buy, and sell beauty products; longganisa at tocino making; buy and sell ng produktong Lucban; paggawa ng powder detergent, pabango, herbal products, doormat, at rugs making; pagtatanim ng gulay/pagsasaka; pag-aalaga ng baboy at iba. Ang tulong-puhunan ay babayaran sa loob ng dalawang taon ng walang interes, ayon pa kay Talavera. Samantala, taos-pusong nagpasalamat naman ang mga benepisaryo ng dalawang samahan sa pamahalaang nasyonal sa tulong-puhunan na natanggap sa pamamagitan ng SEA-K program ng DSWD. (CPG, PIA-4A at ulat mula sa PIA-Quezon) |