PIA Press Release Sunday, January 15, 2012 Tagalog News: Bagong sasakyang gagamitin sa panahon ng kalamidad at emergency, ipinagkaloob sa city healthLUCENA CITY, Quezon, Enero 15 (PIA) -- Pinagkalooban kamakailan ng pamahalang lunsod ang city health office ng isang bagong sasakyan upang magamit sa panahon ng kalamidad at iba pang sakuna sa lunsod.Personal na iniabot ni Mayor Barbara Ruby Talaga ang susi ng bagong sasakyan kay City Health Officer Wilfredo Frondoza sa isang simpleng seremonya. Ayon kay Talaga, maliban sa gamit sa panahon ng kalamidad at iba pang sakuna, ang sasakyan ay magagamit din bilang service vehicle ng City Healh Office sa pagdadala ng mga kinakailangang serbisyong medikal para sa mga mahihirap ng pamilya sa lunsod. Ito ang pangatlong sasakyang binili ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Lucena City Disaster Risk Reduction Management Council (LCDRRMC). Ang dalawang naunang biniling sasakyang ambulansiya ay ipinagkaloob sa Bureau of Fire Protection at ginagamit ng LCDRRMC bilang sasakyang pantugon. “Sa pagkakaloob ng mga sasakyan, ang pagdadala ng mga serbisyo ng LCDRRMC sa mga residente ng lunsod ay unti-unting magagampanan sa panahon ng kalamidad,” ayon pa kay Mayor Talaga. Ayon naman ka Frondoza, ang bagong sasakyan ay malaki ang maitutulong sa lalong pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa mga kanayunan. (Carlo P. Gonzaga, PIA-4A at ulat mula sa PIA-Quezon) |