PIA Press Release Monday, January 16, 2012 Tagalog news: NFA inaming mahihirapan sa panukalang 90-day buffer stock habang inaayos ang Ala RISKORONADAL CITY, Ene. 16 (PIA) -- Inamin ng tanggapan ng National Food Authority (NFA) sa South Cotabato na mahihirapan silang abutin ang panukalang siyamnapung (90) araw na buffer stock sa palay upang mapunan ang inaasahang kakulangan sa produksyon ng palay sa lalawigan sa loob ng isang buong cropping season. Simula sa Mayo 1 nakatakda kasing isara ang dalawang dam ng Ala River Irrigation System (Ala RIS) na sasailalim sa rehabilitasyon sa layong mapanumbalik ang kakayahan bilang pangunahing patubig ng sakahan sa South Cotabato at Sultan Kudarat. Kabilang sa mga panukala ng Office of the Provincial Agriculturist ang hilingin sa NFA-South Cotabato ang pagkakaroon ng 90-day buffer stock. Ayon kay Roger Amatoy, provincial economist ng NFA-South Cotabato sa isang pulong balitaan kamakailan, karaniwan ang 30-day buffer stock sa mga regional NFA subalit sa South Cotabato na tinaguriang isang “surplus area,” dalawang araw lang ang kanilang required buffer stock sa palay. Hindi pa aniya naranasan sa South Cotabato na magkaroon ng buffer stock para sa tatlong buwan. Sanay din umano ang mga magsasaka sa lalawigan na ipagbili ang kanilang ani sa mga trader kung kanino may pagkakautang ang karamihan sa kanila. Ginawang halimbawa ni Amatoy ang kanilang karanasan nitong nakalipas na taon kung kailan 14,700 na sako ng palay lang ang kanilang nakalap na palay mula sa mga magsasaka na masyadong mababa kung ikukumpara sa target nilang 168,000 bags. Nauna na ring kinumpirma ni NFA-South Cotabato Assistant Manager Angelina Lucena na kabilang ang South Cotabato sa mga lalawigang walang maasahang imported rice sa unang anim na buwan ng taon. Sa kabilang dako, inihayag naman ni Provincial Agriculturist Reynaldo Legaste na makikiusap sila sa mga magsasaka na ipunin muna ang kanilang aning palay bilang paghahanda sa mga buwan na mababawasan ang ani sa lalawigan sa pagsasara ng Ala River Irrigation System. Sa South Cotabato, maapektuhan sa pagsasara ng dalawang dam ng Ala RIS ang mga bayan ng Surallah, Banga, Sto. Niño, at Norala. Sa taya ng OPAG, aabot sa 28,000 metric tons ang mababawas sa produksyon ng palay sa South Cotabato na katumbas ng halos tatlong buwang konsumo ng mga residente ng lalawigan. (DEDoguiles/PIA 12) |