PIA Press Release Monday, January 16, 2012 Tagalog news: Greening target ng DENR- 4A ngayong taon, dodoblehinCALAMBA CITY, Laguna, Enero 16 (PIA) -- Inihayag ni Reynulfo A. Juan, regional executive director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Calabarzon na layon nilang mataniman ang may 10,823 ektaryang lupain sa Calabarzon bilang bagong target ng national greening program (NGP) na isinusulong ni Pangulong Benigno S. Aquino III.Kaalinsabay ng pagpapahayag na 99.13 porsyento ang kanilang natapos sa target na 4,735 para sa NGP noong isang taon, ngunit ayon sa kanya ay hindi dapat mamahinga o tumigil bagkus ay lalo pang paigtingin ang pagsusulong ng proyekto. Ipinaliwanag ni Juan na isa sa mga pangunahing prayoridad ni Pangulong Aquino at DENR Secretary Ramon Paje ang implementasyon ng NGP na layong makapagtanim at pangalagaan ang may 1.5 bilyong puno sa may 1.5 milyong ektaryang ‘public domain’ sa loob ng anim na taon na pinasimulan noong 2011 hanggang 2016. Ang target ng DENR-Calabarzon ngayong taon ay dalawang beses mas malaki kumpara noong isang taon ngunit matibay si Juan na ang kanilang mithiin ay makakamit sa kabila ng anomang mga pagsubok na darating. (Carlo P. Gonzaga, PIA-4A at ulat mula sa DENR-4A) |