PIA Press Release Thursday, January 19, 2012 Tagalog News: Quadruplex na kabahayan itatayo para sa mga biktima ni ‘Sendong’QUEZON CITY, Enero 19 (PIA) -– Mga quadruplex na kabahayan ang hindi kalaunan ay itatayo sa Calanaan, Cagayan de Oro City sa pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD),Habitat for Humanity at ng lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro para sa mga pamilyang biktima ng nakaraang bagyong ‘Sendong.’ Naganap kamakalawa ang pirmahan ng tripartite agreement sa pagitan ng DSWD, Habitat for Humanity at ni Cagayan de Oro Mayor Vicente Emano. Isusunod na dito ang paglipat ng halagang P203 milyon ng DSWD sa Habitat for Humanity na siyang mangangasiwa sa pagtatayo ng nasabing mga kabahayan. Sa 9.4 na ektarya na unang natukoy na permanent relocation site itatayo ang mga bahay na quadruplex. Apat na pamilya ang titira sa bawat 40 quadro per metro na estraktura. Kahapon sa harapan nina DSWD-X Regional Director Araceli F. Solamillo, Cagayan de Oro Mayor Vicente Emano, at mga kinatawan ng Habitat for Humanity at National Housing Authority ay ginanap ang “Padugo.” Ito ay a isang lokal na ritwal kung saan ang isang lugar na pagtatayuan ng bagong estraktura ay pinapatuluan ng dugo ng hayop para iadya sa kapahamakan ang bagong maninirahan. Sa Enero 25 naman gagawin ang ground breaking ceremony. Kasalukuyan nang tumitingin ang DSWD kung sino sa mga evacuees ang maaring makatulong sa konstruksiyon sa pamamagitan ng kanilang ‘cash for work program. Samantala, nagpahayag na ang San Miguel Corporation na sila ay magbibigay ng P500 milyon para sa konstruksyon ng 5,000 na kabahayan. 12 bunkhouses naman ang malapit ng matapos na kasalukuyang ginagawa ng 52nd Engineering Brigade ng Armed Forces of the Philippines sa Lumbia, Cagayan de Oro. Mga 120 pamilya ang puwedeng tumira dito. Mayroon ding 230 bunkhouses na kasalukuyang ginagawa sa Lumbia na maaaring tirhan ng 350 na pamilya. Nakikipag-ugnayan na rin ang DSWD sa Project Compassion para sa construction ng karagdagang bunkhouses sa na puwede namang tirhan ng 150 na mga pamilya. (LFB/RJB/PIA-NCR) |