PIA Press Release Friday, January 20, 2012 Tagalog news: Feeding program para sa mga pre-schoolers ipatupad ng SoCot Provincial Nutrition OfficeKORONADAL CITY , Enero 20 (PIA) -- Muli pang pinalawig ng Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato ang feeding program nito para sa mga batang mahihirap.Ito ay matapos aprubahan ni Gov. Arthur Y. Pingoy Jr. ang hiling ng Provincial Nutrition Office para sa isa pang buwan na pagbibigay ng food packages para sa mga underweight na mga pre-schoolers ng lalawigan. Ayon kay provincial nutrition officer Ana Uy, kaagad umano ipatupad ang nasabing programa sa katapusan nitong buwan para sa mahigit 915 na piniling mahihirap na pamilya sa buong lalawigan. Ang food package ay naglalaman ng limang kilong bigas, tig-kalahating kilo ng monggo, whole milk, brown sugar at gamot gaya ng ferrous sulfate at multivitamins. Layon ng food assistance program ng pamahalaang panlalawigan ang mapababa ang antas ng malnutrisyon lalo na sa mga malalayong komunidad, ayon kay Uy. Maliban sa pamamahagi ng mga food packs, bahagi ng patakaran ng programa ng lalawigan ay ang pagtatanim ng gulay ng mga benepisyaryo sa kanilang bakuran, at pagdalo sa mga nutrition and health classes ng komunidad. Sila ay inaasahan ding magsagawa ng mga wastong paglilinis at pag-aayos sa kanilang mga tahanan, ayon sa provincial nutrition officer. Idinagdag din ni Uy na kanilang dinodokumento ang mga mga magagandang gawain at paraan sa pagsasagawa ng programa upang ito ay gawing modelo para sa ibang lokal na pamahalaan. (ac agad PIA12) |