PIA Press Release Monday, January 23, 2012 Tagalog News: Team Energy Corporation, patuloy ang pagtanggap ng aplikasyon para sa scholarship programni Ruel M. OrindayPAGBILAO, Quezon, Jan 23 (PIA) -- Mayroon na ngayon 19 na iskolar ang Team Energy Corporation na madadagdagan pa ng lima sa darating na pasukan o school year 2012- 2013. Sinabi ni Eugene Vertudazo ng Team Energy Corporation na patuloy pa rin ang kanilang pagtanggap ng aplikasyon mula sa mga kabataang nais maging iskolar at makatapos ng iba’t-ibang kurso sa kolehiyo sa pamamagitan ng ‘Gintong Binhi ng Karunungan scholarship program.’ Layunin ng programa na matulungan ang mga kabataang mag-aaral na mahihirap subalit matatalino na makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Katuwang ng Team Energy Corporation sa pagpapatupad ng programang ito ang Southern Luzon State University (SLSU). Kabilang sa mga kursong ibinibigay sa mga makakapasa sa pagiging scholar ay mga engineering course kagaya ng mechanical engineering, electrical engineering at computer engineering. Bukod dito may technological course din kagaya ng electronics, electrical, mechanical, at computer technology na ibinibigay sa mga aplikante na makakapasa sa pagsusulit o entrance exam na ibinibigay naman ng SLSU at iba pang mga requirement na dapat taglayin ng isang aplikante. Ang Team Energy Corporation na nakatayo sa Pagbilao Grande Island, Pagbilao, Quezon ay isa sa mga planta ng kuryente sa lalawigan ng Quezon. (RMO, PIA-Quezon) |