PIA Press Release Wednesday, January 25, 2012 Tagalog news: City COMELEC patuloy ang pagtanggap ng magpapatala ng botanteKORONADAL CITY, Enero 25 (PIA)--Patuloy na tumatanggap ng mga magpaparehistrong botante ang City COMELEC, at ito ay magtatagal hanggang sa Oktubre 31, 2012.Ayon kay City COMELEC Officer Evangeline Basan, hindi na magkakaroon pa ng extension ang nakalaang deadline ng voters registration. Nanawagan din siya sa sa hindi pa nakapagparehistro na habang maaga pa ay magtungo na sa City COMELEC para magpatala. Nanawagan din siya sa lahat na hindi pa nakakapagpa-validate ng kanilang registration o hindi pa nakukuhanan ng litrato gamit ang kompyuter na magtungo rin sa opisina ng City COMELEC. Hindi lamang ang pagpaparehistro ang inaasikaso ng COMELEC, ayon kay Basan. Nagbibigay rin sila ng serbisyo para sa change status, transfer of residency at reactivation. Kailangan lamang magdala ng mga valid documents at valid ID’s at irepresenta sa opisina ng ahensya. Ani Basan, tinanggal na rin nila sa listahan ang mga deactivated voters o mga botanteng hindi nakaboto ng sunod-sunod na dalawang beses ng mga nakaraang eleksyon. Ang talaan ng mga deactivated na botante ay naka post sa labas ng opisina ng City COMELEC at nakapagpadala na rin sila sa ibat-ibang barangay. Noong Enero 16, mayroon ng nakatalang 73,316 registered voters sa lungsod na maaring makaboto sa eleksyon sa 2013. (KJNavecis/PIA12) |