PIA Press Release Wednesday, January 25, 2012 Tagalog News: ‘Knowledge Exchange Center,’ bubuhayin ng DSWDBALER, Aurora, Enero 25 (PIA) -- Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Corazon Juliano-Soliman na bubuhayin ng ahensiya ang “Knowledge Exchange Center (KEC)” nito ngayong araw, Enero 25.Makikiisa sa hepe ng DSWD sa seremonya ng paglulunsad ang mga kinatawan mula sa World Bank, kasapi ng akademya at iba pang mga opisyal ng DSWD. Bukas sa publiko ang KEC, na matatagpuan sa ika-apat na palapag ng DSWD Central Office sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, mula ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Sinabi ni Soliman na ang KEC ay resulta ng mga pagsisikap ng DSWD upang patatagin ang pamamahala ng isang sistema ng kaalaman na naglalayong palakasin at isulong ang palitan ng kaalaman sa mga stakeholders at nakatuon patungo sa pagtaas ng produksiyon at kahusayan. Itinatag sa pamamagitan ng tulong mula sa World Bank, ang KEC ay isang interactive repository (interaktibong lunan) ng mahahalagang kaalaman sa pangangalagang panlipunan, kabilang ang database ng DSWD. Kabilang sa mga pasilidad nito ang isang conference room na may multimedia equipment, home TV theater, mga computer at scanner para ma-access ang impormasyon at kaalaman, web portal at physical library na may Online Public Access Catalog. “The strengthening of knowledge exchange in the DSWD is an important step towards increased efficiency and capacity to support the expansion of our poverty reduction projects (Ang pagpapalakas ng palitan ng kaalaman sa DSWD ay isang mahalagang hakbang patungo sa dagdag kahusayan at kakayahan upang suportahan ang pagpapalawak ng ating mga proyekto sa pagbabawas ng kahirapan),” wika ni Soliman. (WLB/JSL PIA 3) |