PIA Press Release Wednesday, January 25, 2012 Tagalog News: ASEAN Green Hotel Award natanggap ng Palawan resortni Vicky S. MendozaPUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Enero 25 (PIA) -- Natanggap ng Daluyon Beach and Mountain Resort ang karangalan bilang ASEAN Green Hotel na ginanap sa Manado, Indonesia. Ang karangalan bilang ASEAN Green Hotel ay binibigay kada dalawang taon ng mga ASEAN Member States bilang pagpapahalaga sa mga hotels sa rehiyon na natamo ang “sustainable tourism” sa pamamagitan ng paggamit ng mga produkto at hakbangin na makakabawas sa greenhouse gas emission. Ang Daluyon Beach and Mountain Resort ay matatagpuan sa Sabang may 75 kilometro sa norte ng sentro ng Puerto Princesa City. Ang naturang resort ay may isang kilometro ang layo sa Puerto Princesa Underground River na isa sa New Seven Wonders of Nature. Kabilang ang resort sa ‘frontier group’ ng Zero Carbon Resort project ng European Union SWITCH Asia programme na pinapalaganap ang paggamit ng renewable energy sa mga istablisamento na nasa industriya ng turismo. Ilan lang sa mga pamantayang ginamit sa ASEAN Green Hotel ay may kinalaman sa pinatutupad na environmental policy at aktibidad, paggamit ng ‘green’ products, pakikipag-ugnayan sa komunidad, solid waste management, water at energy efficiency, air quality management, noise pollution control at waste water management. Bukod sa Daluyon, natanggap din ng Mandala Spa and Resort Villas sa Boracay ang kahintulad na parangal. Ang dalawang establisyimento lamang ang nakapasa sa pamantayan ng ASEAN Green Hotel award. Isinagawa ang parangal kasabay ng kaganapan ng 2012 ASEAN Tourism Forum noong Enero 8 hanggang 15 na ginanap rin sa Indonesia. (VSM/PIA-4B) |