PIA Press Release Thursday, January 26, 2012 Tagalog news: North Cotabato LGU tutulong sa pagpapaunlad ng mobile clinic, laboratory ng USMKORONADAL CITY, Enero 26 (PIA) -- Tutulungan ng pamahalaang panlalawigan ng North Cotabato ang University of Southern Mindanao sa bayan ng Kabacan na mapapaunlad nito ang kanyang Mobile Vet Clinic at Agriculture Mobile Laboratory.Kamakailan, pumirma sa kasunduan sina North Cotabato Gov. Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza at USM President Dr. Jesus Antonio Derije, na magbibigay ang pamahalaang panlalawigan ng halagang P4 milyon para sa pagsasasaayos ng dalawang pasilidad ng unibersidad. Gagarantiyahan ng naturang kasunduan na murang serbisyong pangkalusugan para sa mga alagang hayop at ekspertong ayuda teknikal sa mga magsasaka sa buong lalawigan sa North Cotabato. Layon ng College of Veterinary Medicine na namamahala ng mobile vet clinic na magamit itong pasilidad sa kanilang outreach program at mailapit ang klinika sa mga alagang hayop ng mga mamamayan lalung lalo na yaong nasa malalayong lugar sa lalawigan. Magkakaroon din ito ng kapasidad din ito para mas malawak na serbisyo tulad ng libreng eksamin, pagbabakuna, dental care, gamutan sa bulate at ibang parasites, kasama na rin ang ultrasound, at laboratory test sa dugo, ihi at tae. Samantala, layon naman ng agriculture mobile laboratory ang makapagbigay ng diagnostic services para sa nutritional management ng mga tanim na oil palm, goma at iba pa. Gagamitin din itong pasilidad para maturuan ang mga magsasaka sa tamang dami ng patabang gagamitin, at ibang teknolohiya na makatutulong ng mga magsasaka. Ang pondong P4 M ay hahatiin sa dalawang pasilidad ng USM. Ang USM ay ang pinakamalaking pampublikong unibersidad sa buong Rehiyon Dose. Kilala bilang sentro ng edukasyon, pati sa sa larangan ng research, development at extension. (DEDoguiles/PIA 12) |