PIA Press Release Friday, January 27, 2012 Tagalog News: Estero Blitz II gagawin sa Pebreroni Lucy F. BroñoQuezon City, Enero 27 (PIA) -- Muling isasagawa ang paglilinis ng mga ilog, kanal at iba pang dinadaanan ng maruruming tubig sa Metro Manila. Pangungunahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino ang Estero Blitz II. Ang isang buwang estero blitz II ay sisimulan sa a-tres ng Pebrero at ang unang lugar na lilinisin ay ang Sta Cruz creek at isusunod ang Makati Diversion Channel. Pahayag ni Tolentino,” Magsasagawa kami ng pagliinis ng mga estero tuwing ikaapat na buwan upang deretso ang daloy ng tubig sa mga estero at kanal at nang maiwasan ang mga madalas na pagbaha tuwing babagsak ang malalakas na ulan.” Sinabi rin ni Tolentino na kasabay ng paglilinis ay magkakaroon din ng mga pagtuturo tungkol sa waste management at misyon medical sa mga karatig na lugar. Nananawagan din siya sa publiko na ayusin ang pagtatapon ng mga basura. Magsegregate at huwag magtatapon kung saan saan kahit gaano man ito kaliit sapagkat unti-unti nitong babarahan ang mga daluyan ng tubig. Hinihimok naman niya ang pakikilahok ng mga taong bayan, opisyales ng mga barangay at mga Flood Control Zone Alliances upang maayos at mabilis na maisagawa ang Estero Blitz II. Kaniya naming pinapurihan ang mga lungsod ng Muntinlupa, Las Piñas, Makati at Quezon City sa pagbabawal ng paggamit ng mga plastic packaging na materyales upang mabawasan ang pagdami ng mga basurang hindi nabubulok. Ang unang isang buwang paglilinis ng mga estero ay ginanap noong Agosto kaya’t tinawag na August Estero Blitz. Matagumpay na natanggal nito ang ang abot sa 7,383 metro kubikong basura at burak kaya’t madaling humuhupa ang mga pagbaha sa kamaynilaan. Nakita ito noong pananalasa ng bagyong Pedring noong nakaraang Setyembre kung saan kaagad nawala ang bahasa CAMANAVA, España, Tripa Gallina, sa mababang lugar ng San Juan at iba pang madalas bahaing mga lugar. Ang Estero Blitz ay proyekto ng MMDA na masigasig na pinangungunahan ni Chairman Francis Tolentino sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng pamahalaan. (LFB/RJB/PIA-NCR) |