PIA Press Release Friday, January 27, 2012 Tagalog news: ARMM OIC governor Hataman tiyak na susuportahan ng mga UN donor countriesKORONADAL CITY, Enero 27 (PIA) -– Patuloy na suporta para sa pag-unlad ng rehiyon ang tiniyak ng mga kinatawan at opisyal ng United Nations (UN)-donor countries kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) acting Regional Governor Mujiv Hataman sa ginawang pagpupulong ngayong linggo.Buong suporta at tiwala ang mga nasabing opisyal sa iprinisentang Reform Agenda na nais ipatupad ni Hataman sa susunod na 19 na buwan ng kanyang panunungkulan. Ang Reform Agenda ni Hataman ay nakabase umano sa repormang nais ding isulong ng Pangulong Benigno Aquino III para sa autonomous region. Ang mga positibong ipinangako ng mga international donor countries gaya ng pagpapatuloy ng kanilang suporta para sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon ay itinuturing ni Hataman na mahalagang bagay para sa pagsulong ng mga programa ng pamahalaan para sa rehiyon. Dahil dito, pinasalamatan din ni Hataman ang mga tulong na tinanggap ng ARMM para sa mga residente at ang pagpapatuloy pa umano ng tulong mula sa World Food Programme, World Health Organization (WHO), International Organization for Migration, United Nation Commission on Human Rights, UNICEF, UNDP, UNFPA, EU AT AusAID. Tinukoy din ni Hataman ang mga nabanggit na organisasyon na mahalagang katuwang ng ARMM lalo na sa paghahatid ng serbisyo sa mga residente ng rehiyon. (ac agad PIA12) Tags: |