Tagalog News: Pag-install ng Rain Gauge sa rehiyon, inirekomenda ng MGB 12
Koronadal City (15 August) -- Inirekomenda ni Mines and Geosciences Bureau (MGB) region 12 director Constancio Paye, Jr. sa Regional Disaster Coordinating Council (RDCC) ang pagpapa-install ng rain gauge sa mga piling lugar sa rehiyon matapos itong iwanan ng bagyong Frank ng malaking kapinsalaan.
Matatandaang maraming bayan sa rehiyon ang napinsala ng isang linggong pagbaha dala ng bagyong Frank at nag-iwan ng milyon-milyong kasiraan sa mga kagamitan, pananim, mga vital agricultural infrastructure, tulay at kalsada at naging sanhi rin ng pagka-displace ng maraming pamilya.
Ang naturang mga instrumento, ayon kay director Paye, ay makakatulong upang maagang ma-detect ang pagtaas ng level ng tubig-ulan sa rehiyon, Sa pamamagitan nito mabibigyan umano ng babala ang mga residente ng rehiyon na umiwas sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagtaas ng tubig-baha, higit lalo mapa-alalahanan ang mga magsasaka na gumawa ng mga hakbang at paghandaan na maiwasan ang malaking pinsala sa kanilang mga pananim.
Inihayag din ni director Paye na ang nabanggit na instrumento ay mainam para sa mga barangay na malimit dinadaanan ng tubig-baha at simple lamang ang mekanismo na kahit na isang Grade V pupil ay maaring makapag-operate nito. Nangako rin ng tulong technical si director Paye lalo na sa pag-interpret ng rainfall data galing sa improvised rain gauge. (ac agad PIA 12) [top]