Tagalog News: Puwersa ng pamahalaan inatasang siguruhin ang tuluyang pagaalis ng mga MILF sa 15 barangays
Koronadal City (15 August) -- Inatasan ng Malacaņang ang mga myembro ng militar na siguruhing hindi na makakabalik pang muli ang ilang elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa 15 barangay na pilit sinakop ng mga ito sa lalawigan ng Cotabato.
Inihayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita na kahit umalis na ang mga MILF forces sa labing limang barangay na sinakop ng mga ito, ipinagpapatuloy pa rin ng mga militar ang pagsasagawa ng clearing operation upang masiguro na nasa mabuting kalagayan ang mga residente at hindi na muling makakabalik ang mga MILF sa nasabing mga barangay.
Ayon pa kay Ermita inatasan umano ng Pangulong Arroyo ang myembro ng militar na paalisin na ng tuluyan ang renegade MILF forces at tigilan na ng mga ito ang pagsakop sa mga barangay sa Cotabato.
Kinumpirma din ni Ermita ang pahayag ni Defense Chief Gilbert Teodoro na mananatili pa rin sa lugar ang joint forces ng militar at police sa labing limang apektadong barangay upang makakasiguro ang kaligtasan ng mga residente sa nasabing barangay. (KAlbay/PIA 12) [top]