Tagalog News: PGMA umapila sa Kuwaiti Prime Minister para sa dalawang OFW
Manila (19 August) -- Humingi ng tulong si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay Kuwaiti Prime Minister Sheik Nasser Al-Mohammad Al-Ahmad Al-Sabah sa commutation ng death sentences na ipinataw ng Kuwait courts sa dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtratrabaho sa nabanggit na bansa.
Ipinahayag ng Pangulo ang kanyang pag-aalala sa dalawang OFW ng bumisita si Prime Minister Sheik Nasser sa bansa na naglalayon umanong patatagin ang economic, diplomatic at trade relations sa pagitan ng Kuwait at ilang Asian countries kabilang na ang Pilipinas.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos, umapila ang Pangulo kay Prime Minister Sheik Nasser para kina Bienvenido Espino at Kakapi Pawa na nasentensiahan ng kamatayan ng Kuwait court noong Abril at Mayo ng taong kasalukuyan.
Si Espino umano ay napatunayang nagkasala sa pagpatay ng kapwa Pilipinong nagtratrabaho din sa Kuwait samantalang si Pawa ay napatunayang pumatay sa 22-year-old na dalagang anak ng kanyang employer.
Umaasa naman ang Pangulo na sa pakikipagtulungan ni Prime Minister Nasser Shiek sa commutation ng kaso nina Espino at Pawa, mapapagaan ang sentensia ng mga ito at hindi na matutuloy ang parusang kamatayan para sa mga ito. (Lgtomas/PIA 12) [top]