Tagalog News: Malakanyang hihingi ng tulong sa Sweden at UK kaugnay sa usaping pangkapayapaan sa Mindanao
Manila (27 August) -- Inihayag ng Malakanyang na hihingi ito ng tulong mula sa bansang Sweden at United Kingdom sa pamamagitan ni dating British Prime Minister Tony Blair kaugnay sa pag-usad ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Binigyang-diin ng Pangulong Arroyo na ang ginawang pagsalakay ng ilang miyembro ng MILF sa North Cotabato, Saranggani at Lanao del Norte ay matibay na dahilan upang humingi ng tulong ang pamahalaan sa iba't-ibang sektor pati na rin sa international community ng sa ganun ay matigil na ang ilang dekadang problema sa kapayapaan sa Mindanao.
Ayon sa Pangulo, ang Sweden umano at United Kingdom ay parehong may malawak na karanasan sa pakikipagnegosasyon sa mga rebelding grupo. Mahalaga din umano para sa pamahalaan at MILF peace panels na kumunsulta at makipag diyalogo sa mga mamamayan sa komunidad na matinding naapektuhan ng kaguluhan sa Mindanao.
Binigyang pahintulot na rin ng Pangulo si Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Hermogenes Esperon Jr., na humingi ng tulong mula sa departamento at mga ahensya ng pamahalaan maging sa mga government owned and controlled corporations na naglalayong suportahan ang isasagawang consultations at dialogues ng Bishops of Mindanao at Ulama League of the Philippines sa mga mamamayan para sa tuluyang kapayapaan sa Mindanao. (Abbenal/PIA 12) [top]