Tagalog News: Acute respiratory infection karaniwang sakit ng mga evacuees sa Lanao del Norte
Koronadal City (29 August) -- Sa isinagawang medical consultations ng Provincial Health Office (PHO) at municipal health authorities ng lalawigan ng Lanao Del Norte, napag-alaman na ang Acute respiratory infection (ARI) ang karaniwang sakit ng mga evacuees sa lugar na lumikas sa kanilang tahanan dahil sa pagsalakay ng ilang elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lalawigan.
Ang nabanggit na pagsalakay sa lugar ay pinamunuan ni Commander Bravo na naging sanhi ng pagkamatay at pagkasugat ng ilang residente lalo na ng mga kababaihan at kabataan, pagkasira ng mga tindahan at paaralan at pagkasunog ng mga kabahayan sa mga bayan ng Kolambugan at Kauswagan.
Kaugnay nito inirekomenda ng Provincial Government ang paglalaan ng sapat na pondo sa serbisyong medikal para sa mga biktima lalo na ang pagsasagawa ng immunization assessment at measles immunization at Vitamin A supplementation para sa mga batang may edad limang taong gulang pababa.
Inirekomenda din ng pamahalaan ang pagsasagawa ng sanitary inspection at konstruksyon ng mga palikuran sa bawat evacuation centers upang maabot ang World Health Organization (WHO) requirement na isang palikuran para sa dalawampung katao. (Abbenal/PIA 12) [top]