Tagalog News: Tulong trabaho at hanapbuhay, isinusulong ng DTI
Calamba, Laguna (10 February) -- Abala ang Department of Trade and Industry (DTI 4-A) sa pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa trabaho at hanapbuhay para matulungan ang tinatayang 14,000 mangagawa sa buong rehiyon na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya.
Sa ilalim ng Comprehensive Livelihood and Emergency Employment Program (CLEEP) isang pagsasanay kung paano magsimula ng isang maliit na negosyo at workshop hinggil sa business opportunities ang nakatakdang gawin sa Light Industry and Science Park of the Philippines (LISP-1) sa Cabuyao at LISP -2 sa Calamba ngayong ika-9 hanggang ika-12 ng Pebrero taong kasalukuyan.
Gayon din ang pagpapatupad sa iba pang programa na naglalayong tumulong para sa dagdag na kita ng mga mamamayan tulad ng One Town One Product (OTOP) Out-of-School –Youth Serving Towards Economic Recovery (OYSTER), Tulong Hanapbuhay Para sa Ating Disadvantage Workers (TUPAD), microfinancing, at konstraksiyon ng hollow at garden blocks production projects.
Para sa mga Out of School Youth ng labinglimang bayan na nakapalibot sa Lawa ng Laguna sila ay magkakatrabaho sa pamamagitan ng pagkuha ng mga water lilies para gawin itong organic fertilizer, green charcoal briquettes at handicraft items tulad ng bayong na pagkakakitaan ng iba pang benepisyaryo. (PIA) [top]