Tagalog News: Anti-smoking campaign, paiigtingin sa Oriental Mindoro
Calapan City (5 May) -- Paiigtingin ng Department of Health, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan at mga pamahalaang bayan, ang kampanya laban sa paninigarilyo upang mabigyang proteksyon ang kalusugan ng mga Mindorenong.
Ang paninigarilyo ang sinasabing nangungunang sanhi ng kanser, partikular ang kanser sa baga at iba pang uri ng kanser dulot ng kumplikasyon nito. Ang mga hindi naninigarilyo subalit nakalalanghap ng usok ay nalalagay din sa panganib na magkaroon ng kanser. Naglalaman ang usok ng mahigit sa 60 carcinogens na nakakaapekto sa natural na paggalaw ng mga selyula sa katawan na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng kanser.
Ayon kay DOH Representative Dr. Elsa Alberto, sa lalawigan, ang pamahalaang bayan at ilang bayan ay nakapagpasa na ng mga ordinansang kumakatig sa naturang kampanya. Nangunguna sa nakapagpasa na ng ordinansa ang Lungsod ng Calapan at ang bayan ng Puerto Galera. Sumunod dito ang mga bayan ng San Teodoro, Baco, Victoria, Bansud at Bulalacao. Nasa unang pagbasa naman ang ipinasang Anti-Smoking ordinance ng Roxas at Gloria. Nakatakda na ring magpasa ng ordinansa ang pamahalaang bayan ng Mansalay, Naujan, Bongabong, Pinamalayan, Pola at Socorro.
Samantala, ang Ordinance No. 93-014 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga itinalagang lugar at ang Provincial Ordinance No. 005-2002 na nagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo sa mga wala pang labing-walong taong gulang ay ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan noong June 24, 1993 at June10, 2002, ayon sa pagkakasunud-sunod. Sa panayam sa Sangguniang Panlalawigan, ang mga nabanggit na ordinansa ay nakatakdang amyendahan sa lalong madaling panahon.
Ang mga ordinansang ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act 9211 o kilala sa tawag na Tobacco Regulations Act of 2003 sa buong bansa partikular sa 12 pilot areas ng Health Formula 1 kung saan kasama ang Oriental Mindoro. (PIA) [top]