Tagalog News: Strong Republic tampok sa 112th Independence Day celebration
Manila (27 May) -- Ibabalik sa selebrasyon ng 112th Independence Day sa Hunyo 12 ang nakasanayang civic-military parade sa Rizal Park Grandstand sa Manila na dalawang taong hindi nasilayan ng publiko.
Sinabi ni Ludovico Badoy, executive director ng National Historical Institute (NHI) na itatampok sa civic-military parade ang mga accomplishments ng Strong Republic program ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ipapakita ito sa publiko sa pamamagitan ng sampung floats na sasagisag sa ten-point agenda ng Pangulo sa siyam na taon nitong panunungkulan. Ang panglabing-isang float ay magtatampok sa mga modern-day heroes, mga indibidwal na gumawa ng pangalan dito at sa ibayong dagat.
Sisimulan ang selebrasyon ng 112th Independence Day sa Mayo 28 sa Cavite City sa pamamagitan ng paggunita sa Battle of Alapan kung saan unang iwinawagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo noong 1898 ang watawat ng Pilipinas.
Susundan ito ng flag raising, alas otso ng umaga, sa iba't-ibang lugar sa buong bansa bilang paggalang sa watawat ng Pilipinad.
Samantala, ang selebrasyon sa Hunyo 12 ay sisimulan ng flag raising alas siyete ng umaga sa buong bansa. Sa hapon isasagawa ng civic-military parade sa Rizal Park at susundan ng isang fireworks display. (DE Doguiles/PIA 12) [top]