Tagalog News: NAPOLCOM 12 nagpaalala sa mga kukuha ng PNP exams na sundin ang mga alituntunin
Koronadal City (27 May) -- Istrikto na ipapatupad ng National Police Commission (NAPOLCOM) 12 ang mga alituntunin para sa mga kukuha ng PNP Entance and Promotional Examinations sa Linggo, Mayo 30 sa Notre Dame of Marbel University (NDMU) sa Koronadal City.
Ayon kay NAPOLCOM 12 Acting Regional Director Angelita Concepcion ipinapatupad ng Komisyon ang mga patakaran upang masigurong matiwasay at malinis ang gagawing eksamin.
Paalala ni Director Concepcion, kakapkapan ang mga examinees bago pa sila papasok sa main gate ng NDMU.
Dapat suot ng mga PNP personnel ang kanilang General Office Attire (GOA) Type "B" uniform; ang magsusuot ng field uniforms o iba pang PNP uniform ay di papapasukin.
Ang mga sibilyan naman, lalake man o babae,ay dapat nakasuot ng puting t-shirt na walang anumang prenta at dark-colored pants; bawal ang blouse, skirts, shorts, at tsinelas sa examination center.
Walang ibang dadalhin ang mga kukuha ng eksamin kundi ang kanilang notice of admission, lapis, ballpen, at identification card. Ang iba pang gamit katulad ng baril, cellphones, at bags ay dapat iwanan sa mapagkakatiwalaang kasama o kaibigan dahil walang "deposit counter" sa examination center.
Ani Concepcion, walang patatawarin sa paglabag ng mga alituntunin dahil naipabatid na ang mga ito sa mga nag-apply at nakasulat din ang mga ito sa notice of admission na kanilang tinanggap. (DEDoguiles/PIA 12) [top]