Tagalog News: Arroyo, inatasan ang NDCC na makipagtulungan sa LGUs
Koronadal, South Cotabato (5 October) -- Tahasang inatasan ng Pangulong Gloria Arroyo ang National Disaster Coordinating Council o (NDCC) na makipagtulungan sa LGUs sa pagsasagawa at paglilinang sa mga angkop na paraan ng pagtugon sa mga kalamidad at pagbuo ng mga rescue team sa mga barangay na dumaranas ng landslide at pagbaha.
Kasama rin ang Department of Education sa pagtuturo sa mga eskwelahan ng tamang paghahanda.
Diumano'y nahikayat ang pangulo sa tagumpay na ipinamalas ng National Earthquake Drill, kung kaya't ninais n'yang ganung paghahanda din ang gagawin sa mga lugar na laging dumaranas ng landslide at pagbaha, dulot ng bagyo at malakas na ulan.
Ang Pilipinas ay isa mga bansang laging napipinsala ng natural calamities, kung kaya't bumuo ang pamahalaan ng institutionalize national disaster preparedness network sa pagharap sa mga iba't-ibang kalamidad na dinaranas ng ating bansa. Kasali din dito ang programa ng pamahalaan at aksyon hinggil sa pagpigil sa pagkawasak ng kapaligiran at ang pag-aalis sa bagay-bagay sa mga pampubliko lugar na maaaring magdulot ng kapahamakan pagdating ng mga kalamidad, tulad ng billboards. (CGI/PIA 12) [top]