Komentaryo: Alyansa sa ibang bansa, mahalaga
by Rose B. Palacio
Davao City (6 October) -- Mahalaga ang alyansa ng Pilipinas sa ibang bansang handang tumulong para labanan ang terorismo. Subali't ang bagay na ito'y maipatutupad nang naaayon sa ating Konstitusyon, ani Press Secretary Ignacio Bunye.
Para sa isang bansang gaya ng Pilipinas na kapos sa resources ang puwersang military, malaki ang magagawa ng mga trainings na nagmumula sa ibang bansa kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP), basta't naaayon lamang ito sa Saligang Batas.
Ang ganitong alyansa ay magreresulta sa mga military grants na tumutugon sa anumang pangangailangan ng sandatahang lakas na kagamitan.
Pero, hindi ibig sabihin nito na desperado ang lagay ng ating mga sundalo. Sa katunayan, maipagmamalaki ang pagiging resourceful ng ating mga kawal na walang mintis sa kinabibiliban ng mga dayuhang sundalo sa bawat pagtatapos ng military training, aniya.
Civic military component, tulong sa mga mahihirap
Hindi lang nabibigyan ng pansin, pero napakahalaga ng civic mission component ng bawat joint military training na nailulunsad sa bansa sapagka't direkta itong nakakatulong sa mga mahihirap, ani National Security Adviser Norberto Gonzales.
Unang-unang nagiging target ng terorista ay ang mga mahihirap nating kababayan dahil sa kinakapos sa buhay at madali silang maenganyo para lumaban sa gobyerno.
Dala ng kakitiran ng isip ng ibang militante ay inaayawan ng mga ito ang mga civic actions sapagka't alam nilang mararamdaman ng mga mahihirap ang tulong ng gobyerno. Ang ibang grupo ay nagnanais na naghihirap ang mga kababayan natin upang madali silang maka-penetrate dito at himukin ang mga ito na mag-alsa laban sa pamahalaan, aniya. (PIA-XI) [top]