Tagalog News: MILF nais makausap ang asawa ni Indonesian terror supect Dulmatin
Koronadal, South Cotabato (10 October) -- Bilang reaksyon sa mga salaysay ni Ostiada Omar Sovie na isinasangkot ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagkanlong ng mga teroristang Jemaah Islamiyah (JI) at Abu Sayyaf (ASG), sinabi ni MILF spokesman Eid Kabalu na walang bago sa mga isinawalat ni Sovie sa mga awtoridad.
Sa kanyang sinumpaang testimonya, isinawalat ni Sovie ang pagkanlong ng ilang MILF commander sa ilang dayuhang kasapi ng Jemaah Islamiyah at Abu Sayyaf terrorist group.
Ayon kay Kabalu, hindi isinasantabi ng MILF ang posibilidad ng pagkanlong ng ilang commander sa mga kasapi ng JI at ASG kaya nais ng kanilang pamunuan na makita at makausap si Sovie para sa pagsasagawa ng kinauukulang hakbang upang linisin ang kanilang hanay.
Tinitiyak ni Kabalu na papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang commander at tauhan ng MILF na mapapatunayang nagkasala o lumabag sa alituntunin at tagubilin ng kanilang organisasyon sabay paghayag ng tiwalang hindi maapektuhan ng nasabing-report ang peace talks sa pagitan ng GRP at MILF. (pbc/PIA 12) [top]