Tagalog News: Iwasan ang “finger pointing’, ayon sa IMT
Koronadal, South Cotabato (13 October) -- Nanawagan ang International Monitoring Team (IMT) ng GRP-MILF peace talks na iwasan ang tuwirang pagturo sa MILF bilang responsable sa mga serye ng pambobomba sa iba’t-ibang bahagi ng Central Mindanao nitong nakaraang mga araw.
Ito ang naging reaksiyon ng IMT sa mga pahayag ni Cotabato Governor Manny Piñol na MILF ang may kagagawan ng pambobomba noong Martes ng hapon, Oct. 11, 2006 sa bayan ng Makilala na ikinamatay ng anim katao at lubhang pagkasugat ng mahigit 20.
Ayon sa IMT, hindi makatuwiran at walang basehan ang bintang laban sa MILF bago pa man lumabas ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.
Samantala, maging militar ay pinabulaanan ang kumakalat na spekulasyon na pakana diumano ng military ang pambobomba upang i-justify ang pagpapasa ng anti-terror bill at all-out war laban sa terorismo ng gobyerno. (pbc/PIA 12) [top]