Tagalog News: Ilokanong OFW, trinatong parang hayup sa Lebanon
By Ben Pacris
CABUGAO, Ilocos Sur (16 October) -- Isang beses lang na pinapakain sa isang araw. Kahit gutom na siya, ipinagbaawal na tumikim kahit ano para lang sana mapawi ang kumakalam na sikmura. Sinasaktan pa siya sa kaunting pagkakamali.
Ito ang mahapding karanasan ni Aileen Paligutan, 32, na taga-Baclig sa bayang ito na nagsilbing domestic helper sa Lebanon sa loob lang ng pitong buwan “na walang paraiso.
“Maminsandak lang a pakanen ti maysa aldaw. Naglak-amak iti tungpa ken unget no maduktalandak nga agmerienda” (Minsan lang akong pinapakain. Nagtamo ako ng sampal at pagmumura kung nakita nila akong nagmemerienda), tumatangis na kinapanayam ng Tanod.
“Walang paraiso sa Lebanon buti na lang nagkagiyera kaya nakauwi akong buhay,” ani ni Paligutan sa Iluko.
Sinabi ng Ilokanang OFW na mabagsik ang kanyang unang amo na ang trato sa kanya ay parang hayup na pati paliligo niya ay pinagbabawalan. “Sila ang mag-uutos kung kalian ka dapat maligo,” idinagdag niya.
Pati ang sumunod na amo ganoon din ang mala-hayup na trato kay Aileen na malalakas na sampal at dagok sa ulo “na parang gusto ko nang bumalik na agad sa Cabugao.”
Hanggang magkagiyera ang Israel at mga rebelde sa Lebanon na doon na nagmakaawa si Aileen sa kanyang amo na pauwiin na siya sa Pilipinas. Hindi pumayag noon ang amo niya hanggang napilitan ding ihatid siya sa evacuation center ng mga OFW's noong Hulio 29.
Mula Lebanon, sumakay sila ng bus na kasama ang iba pang OFW's papunta sa Syria. Dito na sila sumakay ng eroplano pabalik sa Pilipinas.
“Sana matulongan ako ng gobyerno para makapag-abroad muli ngunit may phobia na ako sa Middle East, sa ibang lugar na lang,” sabi ni Paligutan.
Samantala, inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon na maglalaan ng P10,000 sa bawat umuwing OFW na galling sa Lebanon na taga- Ilocos Sur. (PIA Ilocos Sur) [top]