Tagalog News: Libreng eksamen para sa call center at medical transcriptionist ibibigay sa Ilocos Sur
by Carlo P. Canares
Laoag City (18 October) -- Nagbibigay ng libreng eksamen ang Technical & Educational Skills Development Authority (TESDA) para sa mga taga-Ilocos Sur na interesado na magtrabaho sa mga call center at pati na din sa mga nais maging medical transcriptionist. Ito ay sinabi ni Ginoong Joel Pilotin, ang namumuno ng ahensiya sa probinsiya.
Kasama sa eksamen para sa mga call center agents, ayon pa kay Ginoong Pilotin, ay ang pakikipagusap ng aplikante sa isang foreigner sa pamamagitan ng telepono. Tatagal ng pitong (7) minuto ang usapan.
Sa pamamagitan ng phone conversation, malalaman ang English proficiency, vocabulary diction, sentence mastery, pronunciation at fluency ng aplikante.
Ang isang aplikante na nakakuha ng 70 pataas na grado ay masasabing “hirable” at agad-agad irerekomenda sa Business Processing Outsourcing Industry (BPO). “Near hirable” naman ang isang aplikante kapag siya ay nakakuha ng 55 hanggang 69 na grado. Ang mga ito ay mabibigyan ng PGMA Training for Work Scholarship, o mas kilala bilang Training Coupon. Sa ilalim ng scholarship, ang aplikante ay pagaaralin at bibigyan ng training muli na aabot ng 100 oras. Matapos nito, sila ay puwede ng irekomenda sa BPO.
Sa probinsiya ng Ilocos Sur, tanging ang University of Northern Philippines (UNP) sa Vigan City lamang ang nagbibigay ng nasabing training.
Ang aplikante na makakuha ng mas mababa sa 55 na grado ay hindi kwalipikado na magtrabaho sa mga call centers. Hindi na rin sila maaaring kumuha pa muli ng eksamen.
Sa paunang libreng eksamen na ibinigay ng TESDA, umabot sa 231 ang kumuha. Sa numerong ito, walo lamang ang “hirable” at 69 ang “near-hirable.” Ang iba ay hindi pumasa. Kasalukuyang kumukuha ng training scholarship ang mga “near-hirable” sa UNP.
Para naman sa mga gusto maging medical transcriptionist, mayroon din 30 minuto phone conversation bilang eksamen na ibinibigay ang TESDA. Dalawa pa lamang sa probinsiya ang kumuha nito; isang nagtapos ng medisina at ang isa ay nursing. Pareho silang pumasa.
Ayon kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ang call center industry ay isa sa lumalaking industriya sa bansa na nakakapagbigay ng maraming trabaho. Inaalok din ng Pangulo sa mga nagtapos ng medical o science na kurso na nais magtungo sa ibang bansa na maging medical transcriptionist na lamang at manatili sa Pilipinas. (PIA-Ilocos Sur) [top]