Tagalog News: SPDA tututukan ang sustainable dev't para sa mahihirap na komunidad
Koronadal City (18 October) -- Inihayag ni Datu Zamzamin Ampatuan, bagong executive director ng Southern Philippines Development Authority (SPDA) na mahigit Php 1.5 billion ang kinakailangan nito para maisasaayos na pagpapatupad ng mga proyektong tutulong sa mga mahihirap na komunidad sa Mindanao lalo na yaong apektado sa pagpapatupad ng Peace Process sa pagitan ng pamahalaan at Moro separatist group.
Inaasahang katuwang ni Ampatuan sina Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza at Presidential Assistant for Mindanao Virgilio Leyretana sa pagpapatupad ng mga development programs na nakatutok sa socio-economic empowerment ng mga marginalized sector sa timog Pilipinas.
Inihayag ni Ampatuan na kabilang sa mga high-impact projects na popondohan ng P600 million sa ilalim ng SPDA ay ang extensive rice production areas sa sakop ng kabulnan irrigation sa Maguinadao, Oil Palm Plantation sa Butuan City, Coconut Propagation sa Matanao, Davao del Sur at ang Seaweeds Processing sa Sulu.
Hiningi rin ni Ampatuan sa pamahalaang Arroyo ang P500 million allocation para sa mga nabalam na mga proyekto tulad ng Feed Mill at Organic Fertilizer Processing sa Davao City at Sultan Kudarat, ang Prawn Hatchery sa Naawan, Misamis Oriental at iba pang proyektong pang-agrikultura sa Mindanao. (aca/PIA 12) [top]