Tagalog News: Asawa ng suspetsadong teroristang Indonesian idi-deport
Koronadal, South Cotabato (19 October) -- Nagpalabas ng ka-utusan ang Bureau of Immigration (BI) sa pag-deport sa asawa ng pinahihinalaang Indonesian terrorist na si Dulmatin, sa paglabag sa immigrations laws ng ating bansa.
Ayon kay BI chief Alipio Fernandez Jr., na si Istiada Oemar Sovie ay idi-deport sa lalong madaling panahon, pag nakumpleto na diumano nila ang mga kakailanganin clearance mula sa korte at pulisya.
Dagdag pa nito, isasali rin si Sovie sa listahan ng mga immigration blacklist upang hindi na ito muling makabalik pa sa ating bansa.
Si Sovie ay idi-deport dahil na rin sa pag-amin nito na illegal ang pagpasok n'ya sa ating bansa mula sa Malaysia noong 2003, pahayag ni BI special prosecutor Maria Antonette Bucasas.
Aniya, inamin din ni Sovie, na kasama nito ang limang anak sa pagpasok sa ating bansa at ang lahat sila ay wala rin kahit anong travel documents. (CGI/PIA 12) [top]