Tagalog News: PGMA iniutos sa PNP na patindihin ang kampanya nito kontra kidnapping
by MM Galdones
Koronadal, South Cotabato (25 October) -- Iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang paghigpit ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya nito sa pagsawata ng kidnapping dito sa ating bansa. Ito'y pagkatapos na napaulat na ang sindikatong kidnap-for-ransom o KFR ay bumalik na naman sa mga operasyon nito.
Sa isang press briefing, inihayag ni Press Secretary at Spokesman Ignacio Bunye na ang laban sa kidnapping sa bansa isa rin sa top priorities ng Pangulo at gusto ng Pangulo na buhayin muli at patindihin pa ng law enforcement agencies ang kampanaya nito upang mabawasan man lang kung hindi man tuluyang maputol ang mga operasyon ng KFR gangs.
Hinikayat din ni Bunye ang lahat na sektor ng lipunan na maging vigilant at paigtingin pa ang kooperasyon at koordinasyon sa may kapangyarihan sa pamamagitan ng pag-bibigay ng kaukulang impormasyon na may kinalaman sa kidnap-for-ransom gangs.
Dagdag pa ni Bunye na "malaking bagay iyong tulong ng mamamayan at ang kooperasyon ng mga witnesses at maging ng mga biktima sa mga ganitong uri ng krimen para sa maagang kalutasan ng kidnapping". (PIA 12) [top]