Tagalog News: Mga barangay malaking tulong sa kampanya sa terorismo
Koronadal City (25 October) -- Hinimok ng Department of the Interior & Local Government (DILG) ang local government units sa buong bansa lalung-lalo na ang mga barangay na pangunahan ang kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo bilang katuwang ng mga kagawad ng kapulisan at militar.
Inihayag ni DILG secretary Ronaldo Puno na lahat ng mga local peace and order councils hanggang sa barangay ay malaki ang maitutulong sa pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa gitna ng lumalalang banta ng terorismo.
Ayon pa kay Puno, palalakasin ang pwersa ng peacekeeping force ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang pagsasanay sa mga barangay tanod upang maging regular na miyembro ng Civilian Volunteer Organization (CVO) na sasailalim sa pamumuno ng Philippine National Police. Ang mga CVO ay magsisilbing "force multipliers" sa pinalakas na kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo at iba pang banta sa seguridad na ating bansa, dagdag pa ni Puno.
Inilahad din ni Puno na sa pamamagitan ng EO 546, lalo ring pinalakas ng pamahalaan ang anti-insurgency campaign nito. Ito rin ay maglalagay sa equal footing sa PNP at AFP bilang co-partner at ang pag-authorize sa mga barangay leaders na maging force multipliers sa pinalakas na kampanya sa terorismo. (aca/PIA 12) [top]