Tagalog News: Paghina ng puwersang terorismo sa bansa, inihayag ng militar
by Miriam P. Aquino
San Fernando City, La Union (25 October) -- Sa kabila ng mga sunud-sunod na pagpapasabog at pananakot sa Mindanao at iba pang mga lugar, mariin pa ring inihayag ng isang opisyal ng militar ang diumano’y pagbaba o paghina ng puwersa ng mga terorista sa bansa.
Inihayag ni Executive Officer Col. Domingo Tutaan, Deputy Chief of Staff for Operation ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na bahagya diumanong humihina ang puwersa ng mga rebelde at napatunayan diumano ito base sa pag-aanalisa o third quarter assessment report kung saan ay kumonti ang mga sandata ng mga teroristang grupong gaya ng Jemaah Islamiyah (JI) Abu Sayyaff at ang komunistang New People’s Army (NPA).
Bumaba rin aniya ang bilang ng mga apektadong barangay na sinasakop o pinamumugaran ng mga ito na ayon kay Tutaan ay siya umanong mga basehan sa pagtantiya ng militar sa lakas o puwersa ng mga rebelde.
Bagaman sa isang problemang insurhensiya, kayang-kaya umanong magpasabog ng kahit mangilan-ngilang bilang lamang ng mga terorista sa isang lugar gaano man ito kalawak, ngunit hindi umano ito naisasakatuparan dahil na rin sa pinaiigting na kampanya ng pamahalaan kontra terorismo, tinuran ni Tutaan. (PIA La Union) [top]