Tagalog News: Malacañang iaapela ang pagbasura ng people’s initiative
Koronadal City (26 October) -- Inihayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita na hindi pa itinuturing ng Palasyo na isang ganap na pagkatalo ang naging desisyon ng SC sa People’s Initiative petition dahil maaari pa itong magsampa ng motion for reconsideration (MR) sa mga susunod na araw.
Hindi pa naman aniya masasabi na gahol na sa panahon para sa pagdaraos ng Chacha at mayroon pa ring nalalabing hakbang para sa Constitutional Assembly at ang mga kaalyado ng Palasyo sa House of Representatives ang bahala sa hakbang na ito.
Gayunman, sinabi ni Ermita na nirerespeto ng Palasyo ang naging pasya ng Korte.
Binigyang diin din ni Ermita na isusulong pa rin ni Pangulong Arroyo ang Charter Change bilang bahagi ng kanyang political reforms na ipatutupad bago matapos ng kanyang panunungkulan sa taong 2010. (ac agad/PIA 12) [top]