Tagalog News: Milyong Filipino nanganganib sa filariasis
Koronadal City (27 October) -- Nagbabala si Health Secretary Francisco Duque III sa mga taga-South Cotabato sa isang bagong sakit na nakukuha mula sa kagat ng lamok na tinatawag na lymphatic filariasis.
Sa isang Press Conference sa Protech Center kahapon inihayag ni Sec. Duque, na bukod sa dengue, tinatayang kalahating milyong Filipino ang nagtataglay ng sakit na lymphatic filariasis na nagmumula sa microscopic worms na naisasalin mula sa kagat ng lamok.
Kabilang sa sintomas ng Filariasis ang mataas na lagnat, panginginig at hirap sa pag-ubo gayundin nakakaranas ang biktima ng pamamaga ng kamay, dibdib at hita at sa ari ng isang lalaki gayundin sa vulva ng isang babae kaya tinatawag itong elephantiasis.
Ayon sa rekord ng DOH, umaabot na sa kabuuang 645,232 Filipino, lalaki, babae at mga bata sa mahigit 39 probinsiya sa bansa ang naaapektuhan ng filariasis at 23 milyon katao ang nanganganib dito.
Kasama ni Secretary Duque na bumisita dito kahapon sa rehiyon ay ang mga matataas na opisyal ng World Health Organization (WHO) at Glaxosmith Kline. (ac agad/PIA 12) [top]