Tagalog News: Panukalang "Golden Triangle" economic zone, isusulong
by CL Cadorna
Koronadal, South Cotabato (31 October) -- Hindi malayo na magiging mahalagang bahagi ang bansang Pilipinas sa isusulong na "Golden Triumvirate" growth area na isinasaisip ngayon ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII).
"Bakit hindi?" tugon ni Francis Chua, presidente ng naturang organisasyon sa mga miyembro ng media kamakalawa.
Ang panukalang Golden Triangle economic zone, ayon kay Chua ay triumvirate ng southern province ng Fujian, (kasama na rito ang Xiamen), Taiwan, at ang Pilipinas.
Ang Fujian ay lubos na nakikinabang sa mga investments mula sa Taiwan lalo na mula sa Xiamen na counterpart rin ng Kaohsiung, Taiwan at ng Subic at Clark special economic zones.
Ang kinalalagyan ng bansang Pilipinas sa timog ng Taiwan, kasama ang Fujian ay nasa sa stratehikong lugar. Sa panukalang Golden Triangle, ang Pilipinas ay makakaambag ng kanyang resources sa electronics, communications at information technology, agriculture, husbandry, mining at sa larangan ng turismo.
Sa kanyang pagdalaw sa bansang Tsina, sinabi ni Pangulong Arroyo sa isang business conference na itinataguyod ng (FFCCCII) sa Xianglu Hotel na ang panukalang economic zone ay magbibigkis sa tatlong areas upang isulong ang economic activities ng mga business firms sa Golden Triangle. (PIA) [top]