Tagalog News: IWD ipinagdiwang ng RCBW-ARMM at women’s groups
Koronadal, South Cotabato (9 March) -- Humataw ang mga kababaihan kasama ang mga kalalakihan upang makiisa sa pagdiriwang at paggunita ng International Women’s Day sa autonomous region at Cotabato City.
Ang International Women’s Day ay ipinagdiriwang sa buong mundo tuwing March 8 kada taon bilang pagkilala sa pagsusulong o advancement at pagtatagugyod ng women’s rights at pagtanaw sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa lipunan.
Ayon kay Salama Kadiguia Ampatuan, chairman ng Regional Commission on Bangsamoro Women (RCBW) ng ARMM, tuloy-tuloy ang pagsasakatuparan ng kanilang tanggapan ng iba’t ibang programa para sa empowerment ng mga kababaihan.
Nakatuon ang pansin ng RCBW sa malawakang impormasyon para sa pagkilala at pagrespeto sa women’s rights, ayon kay Ampatuan.
Sinabi ni Ampatuan na maraming kababaihan ang sumailalim sa iba’t ibang livelihood training programs kasabay ng pagkakaloob ng financial assistance para sa self-employment. Tiniyak ni Ampatuan ang suporta ni ARMM governor Zaldy Ampatuan para sa puspusang implementasyon ng mga proyektong laan para sa mga kababaihan.
Ang mga programa ng ARMM para sa mga kababaihan sa akma sa tema ng 2007 Women’s Month celebration na CEDAW ng Bayan, Kabuhayan ng Kababaihan. (pbc/PIA 12) [top]