Tagalog News: Pamahalaan malugod na tinanggap ang pagbisita ng US State Department official
Manila (28 March) -- Malugod na tinanggap ng pamahalaan ang pagbisita ng isang mataas na pinuno ng US State Department upang puspusang masuri at maayos ang isyu ng extra-judicial killings sa ating bansa. Itinuturing din ng pamahalaan na isang pagkakataon ito upang maituwid ang mga isyung ito sa mga mamamayang Amerikano, lalo na ang mga FilAms sa Estados Unidos.
Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesperson Ignacio Bunye, kapanalig umano ng Estados Unidos ang bansa sa demokrasya at sa pangangalaga ng karapatang pantao, at nais din ng pamahalaan, tulad din ng mga ibang istitusyong pandaigdig na maging hayag at matapat ang lahat tungkol sa mga bagay na ito, kahit na ito ay tungkol pa sa mga militanteng grupo at mga rebeldeng sundalo.
Tinitiyak ng pamahalaan sa US State Department na ibibigay ang lahat na suporta at tulong na kakailanganin nila para sa parehas at balanseng pagsusuri sa bagay na ito. (CGI/PIA 12) [top]