Tagalog News: PGMA handang makipag-tulungan upang matugunan ang isyu ng extrajudicial killings
By Nene A. Manzanares
Manila (28 March) -- Binigyan diin ni Pangulong Arroyo na handa siyang makipagtulungan sa mga lehitimong institusyon at mga ka-alyadong bansa sa international community na matugunan ang isyung extrajudicial killings.
Sinabi ng Pangulo na kanyang tinatanggap ang pagpunta sa bansa ng isang grupong galing sa European Union (EU) na tutulong sa atin upang makita at matunton ang ugat ng mga krimen na ito. Sinabi rin ng Pangulo na malugod niyang tinatanggap ang Estados Unidos na tulungan tayo sa pakikipaglaban sa mga bagay na hindi tama. Inaasahan din ng Pangulo na tutulungan tayo upang makuha ang totoong hustisya na walang pinapanigan.
Tuwirang sinabi ng Pangulong Arroyo sa kanyang panawagan sa partidong komunista at ang kanilang armadong mga kasamahan na ibaba na ang kanilang mga armas at tapusin na ang walang humpay na pagpatay.
Sinabi din ng Pangulo na ang Pilipinas ang pinaka demokratikong bansa sa rehiyon at hindi niya pahihintulutan ang paglabag sa mga karapatang pantao. Binigyang diin ng Pangulo na personal niyang pinasimulan ang prosesong pangkapayapaan sa Mindanao tungo sa bagong antas na nakatutok sa interfaith dialogue, kaunlarang pang-ekonomiya at magkatuwang na seguridad.
Dagdag pa na sinabi ng Pangulo na malaki na ang nagawa natin sa sa tulong ng ibang mga bansa. Aniya pa, na ang kapayapaan ay unang isyu ng karapatang pantao katulad ng pakikipaglaban sa kahirapan na numero uno nating tinututukan. (PIA-Northern Samar) [top]