Tagalog News: Saudi nangakong magpapatuloy ang stable na suplay ng langis sa Pilipinas
Manila (8 May) -- Ipinangako ng pamahalaan ng Saudi Arabia na magkakaroon ng dagdag na suplay ng langis ang bansang Pilipinas sakaling magkakaroon ng anumang problema sa iba pang bansa na pinagkukunan nito.
Kasalukuyan, unstable umano ang presyo at suplay ng langis sa Middle East at iba pang oil producing countries bunsod ng namuong tension sa pagitan ng UN Security Council at uranium enrichment program ng Teheran sa Iran at ang pagtaas ng bilang ng mga armed violence at ang nangyayaring kidnapping sa mga foreign workers sa Nigeria.
Siyamnapu’t limang porsiyebto (95%) umano ng kabuuang suplay ng langis sa bansa noong 2006 ay nagmula sa Middle East kung saan 43 M barrels ng langis o 56% ng kabuuang suplay ay nanggaling sa bansang Saudi Arabia.
Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, ang bansa ay kasalukuyang naghahanap pa ng posibleng mapagkukunan ng langis kabilang na ang mga bansa sa Africa at Latin America.
Dagdag ni Lotilla nakikipagusap na rin ang kanyang ahensiya sa mga local refiners kaugnay sa pag-upgrade ng mga kagamitan upang maiangkop ito sa mga bagong teknolohiyang ginagamit. (ajph/PIA 12) [top]